Pages

Search This Blog

Monday, April 22, 2013

SINO ANG DAPAT MAHALAL


Deretsahan


ni Horacio Paredes

            Sa pagpili natin ng iboboto nating mga kandidato — sa anumang pwesto — ang dapat nating sinusuri ay kung makakaya ba niya ang trabahong binibigay natin sa kanya. Kadalasan ang ating pagpili ay hindi sa kakayahan ng kandidato kundi ang ating paghanga sa kanila dahil sa anak sila ng sikat o kaya’y hinahangaan natin sila o kanilang pamilya, ama o ina o kaya’y magagaling silang artista, atleta o magaling magpatawa.
            Ang pagpili natin sa ating binibigyan ng tungkulin ay hindi sa kanilang kakayanan kundi sa ating paghanga sa kanila na wala namang kaugnayan sa kanilang kakayahang maging Senador o ano pa man. Marami sa mga kandidatong mananalo ay, sa katunayan lamang, hindi nararapat maging Senador kung sa gawain at tungkulin ng Senador ang gamitin nating batayan.
            Merong kandidatong nagrereklamo nang pag-aapi dahil natatanong ng marami kung ano nga ba ang kaniyang napag-aralan, natapos, naging trabaho at nagawa na magrerekumenda sa kaniyang pagtakbo bilang kandiato sa Senado. Hindi pang-aapi ito. Sa katunayan, dapat ngang tinatanong natin kung ano nga ba ang magiging papel at ano ang makakaya nilang gawain kapag atin silang iniluklok sa Senado. Baka maging isa na namang miyembro ng Committee on Silence o kaya’y sa Komite ng mga Palaging Absent.
            Maawa tayo sa ating bayang naghihirap habang ang mga Senador natin ay nagiging mga bilyonaryo, sa kanilang hinahawakang kwarta na dapat sana’y ginagastos sa mga proyekto ngunit kadalasan ay napupunta sa kanilang mga mansion, gusali at sasakyang pampersonal. Para sa akin, isa ring mahalaga na huwag tayong  magdagdag pa sa Senado ng isa pang magpapayaman gaya ng marami sa mga kasalukuyang nakaupong mga senador. Sayang nga na mawawala na sina Joker Arroyo at Ping Lacson, ang dadalawang Senador na hindi tinanggap ay kanilang PDAF na umaabot sa sobra sa isang bilyon sa anim na taong termino ng isang Senador. Meron kayang nagpapapiling Senador na susunod sa ginawa nitong dalawang magigiting na taong papa-alis na sa Senado?
* * *
            Alam ba ninyo na sa Senado at sa Kongreso, gumawa ng resolusyon ang ating mga mambabatas na hindi na dapat pang alamin ng Commision on Audit (COA) kung saan napupunta ang mga kwartang binibigay ng mga Senador at Kongresista sa kanilang sarili. Dahil sa ganitong patakaran, kung binbulsa man nila ang mga kwartang dapat sana’y napupunta sa mga proyekto, walang kahit na sinong makaka-alam at walang huli ang kanilang pagnanakaw?
            Sa aking pananaw, lalomg dapat na ini-istriktuhan ang ating mga mambabatas dahil sila rin naman ang nagsusuri sa mga kamalian ng iba’t-ibang sangay ng pamahalaan. Kumg sila mismo’y mga corrupt rin pala, sino ang ating aasahan na maglilinis ng ating bansa?
            Isa pa. Sa aking pananaw, kapag napili natin ang mga inilalagay natin sa iba’y-ibang puwesto, dapat na wala na silang iba pang gagawain kundi ang tungkulin nila sa bansa. Ang kapalit ng ating sinasahod sa kanila ay ang kanilang paglilingkod bilang public servant, 24/7. Dapat na wala silang ibang ginagawa kundi ang paglilingkod sa bansa.
            Sa ibang bansa (Amerika), walang maaaring kitain ang kanilang mga opisyal — walang negosyo, walang kahit na anong pinagkikitaan kundi lamang ang kanilang sahod bilang public servant. Baket dito ay merong Senador na nagpupuyat sa pag-siyushooting ng sine at teleserye at kumikita ng napakalaking salapi habang sumasahod rin siya mula sa kaban ng bayan. Dapat kung anuman ang kwartang kinikita niya sa labas ay sinsuko sa bayan dahil ang ating kinontrata sa kaniya ay ang lahat ng oras niya 24/7, di ba?

maging malaya sa sariling bansa!

1 comment: